Nagsampa ng kaso ang Bureau of Customs (BOC) laban sa isang cargo company matapos itengga ang mahigit 36,000 balikbayan box ng mga OFW.
Pinangunahan ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno ang paghahain ng kaso sa Department of Justice nitong Biyernes, Mayo 29.
Binigyang-diin niya na hindi palalampasin ang ganitong kapabayaan.
Kinasuhan ang kompanyang Makati Express Cargo, Inc. (MECI) dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at iba pang mga regulasyon ng customs.
Nag-ugat ang reklamo sa 117 piraso ng 40-footer container na naglalaman ng tinatayang 36,826 na balikbayan box na hindi pa rin naki-claim hanggang ngayon.
Ani Nepomuceno, sa likod ng bawat balikbayan box ay may pamilyang naghihintay ng pasalubong mula sa kanilang mga mahal sa buhay sa ibayong dagat.
Dagdag pa niya, ang mga kahong iyon ay simbolo ng maraming taon ng pagsisikap at sakripisyo.
Bago pa man ang pagsasampa ng kaso, binawi na ng BOC ng rehistro ng MECI noong Enero ng taong ito.
Ito ay matapos mapatunayan na nabigo ang kompanya na magsumite ng goods declaration at kunin ang kanilang mga kargamento sa itinakdang panahon — na naging dahilan para mag-overstay at maabandona ang mga naturang balikbayan box.
Trending
- Michelle, nawiwindang sa Ms U!
- Pagpapalabas ng ‘Love, NGO,’ pinayagan na ng MTRCB
- Regine, sumailalim sa voice treatment
- Cargo firm kinasuhan sa 36K inabandonang balikbayan box
- Gawad Kalinga founder Tony Meloto inaresto sa Bulacan
- SPED program ng DepEd hihimayin sa Kamara
- NBI pinag-aaralan pag-subpoena sa misis ni Bato
- Pamilya ng missing sabungeros, nagsampa ng obstruction of justice vs abogado ni Atong Ang
