Maglalaan ang gobyerno ng P300 milyong pondo sa susunod na taon para matapos at makumpleto ang paliparan sa Don Carlos, Bukidnon.

Personal na ininspeksiyon ni Executive Secretary Ralph Recto ang ginagawang airport na idinisenyo para sa jet aircraft at magkaroon ng direktang koneksiyon ang Bukidnon sa mga pangunahing sentro ng turismo sa buong bansa.

Ayon kay Recto, nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makumpleto ang Bukidnon airport sa susunod na taon upang makalikha ng mga trabaho, makahikayat ng pamumuhunan at mas maraming turista sa lalawigan.

Sa kabuuan ay nakatanggap na ng P3.17 bilyong pondo ang proyekto, P1.360 bilyon dito ay inilaan sa ilalim ng Marcos administration.

Sinabi ni Recto na hindi hahayaang matengga ang proyekto dahil ang utos ng Pangulo ay tapusin ang paliparan at buksan sa lalong madaling panahon.

Kapag natapos ang paliparan aniya ay mas madaling maibibiyahe ang mga produkto ng Bukidnon sa mas malaking mga pamilihan tulad ng pinya, saging, mais, kape, asukal at mga hayop.
====

Share.
Exit mobile version