Ipinailalim ng Commission on Elections (Comelec) sa kanilang direktang kontrol ang lahat ng 37 barangay sa lungsod na ito dahil sa mga madugong insidente noong Linggo ng gabi at pagsisimula ng botohan nitong Lunes para sa halalang parliamentaryo sa Bangsamoro.
Ang Cotabato City ang kabisera ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na sumasaklaw sa mga lalawigan ng Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Lanao del Sur, Basilan at Tawi-Tawi, gayundin sa dalawang lungsod na Lamitan at Marawi.
Sinabi sa mga ulat sa radyo sa Cotabato City nitong Lunes ng umaga ng mga regional official ng Comelec sa BARMM at ng kanilang nakatataas na si Chairman George Erwin Garcia na isinailalim din sa direktang kontrol ng komisyon ang bayan ng Maluso sa Basilan dahil sa mga karahasang may kaugnayan sa halalang parliamentaryo sa Bangsamoro.
Tatlo ang naiulat na nasawi at 15 iba pa ang nasugatan sa naganap na insidente ng pamamaril na kinasangkutan umano ng mga supporter ng dalawang magkalabang political party sa Cotabato City madaling-araw nitong Setyembre 14, ilang oras bago ang unang BARMM Parliamentary Election.
Kinilala ang tatlong lalaking Moro na nasawi na sina Caril Abdul Lumidsog, ang kanyang kapatid na si Bain Abdul Lumidsog, at Idar Kasan Andog na napatay ng mga armadong lalaki malapit sa Datu Usman Mampen Elementary School sa Barangay Bagua 2, Cotabato City, ilang sandali bago maghatinggabi noong Linggo.
Magkahiwalay na sinabi sa mga reporter noong Lunes ng madaling araw ni Capt. Steffie Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, at ni Col. Jibin Bongcayao, direktor ng Cotabato City Police Office, na 15 iba pang residente ang nasugatan sa pamamaril.
Sinabi ni Bagua 2 Barangay Chairman Fahad Singh sa mga reporter na ang tatlong nasawi at ang 15 iba pang nagtamo ng tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ay kanyang mga kasamahan.
Ayon kay Singh, kasama ang mga volunteer community watchman, pupunta sila upang tingnan ang iniulat na presensya ng mga armadong lalaki malapit sa campus ng Datu Usman Mampen Elementary School sa Barangay Bagua 2 nang biglang magpaputok ang grupong armado ng mga assault rifle. Agad na napatay ang magkapatid na Lumidsog at si Andog.
Agad na dinala ng mga emergency responder sa iba’t- ibang ospital ang mga sugatang kasamahan ni Singh para magamot.
Naganap ang insidente mga dalawang oras matapos ang isang malakas na pagsabog sa isang residential area sa Purok Amirol, Mother Barangay Kalanganan, Cotabato City, na ikinamatay ni Zainodin Sapal Macabuat.
Sinabi ng mga opisyal ng barangay na kumakalat sa mga nayon sa kanilang nasasakupan ang mga usap-usapan na posibleng namatay si Macabuat dahil sa aksidenteng pagsabog ng fragmentation grenade na dadalhin sana niya sa ibang lugar. Nagtamo siya ng malubhang sugat mula sa mga tipak ng granada sa kanyang katawan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Dalawang lalaki rin na kapwa iniuugnay sa isang partidong pulitikal ang namatay dahil sa mga tama ng bala na tinamo nila sa isang sagupaan madaling-araw ng Lunes sa Cotabato City Central Elementary School. Nasugatan din ang isa nilang kasamahan at isang pulis na naka-duty.
Tinamaan ng bala sa kanang binti ang pulis at kasalukuyang naka-confine sa ospital.
Sinabi ng mga tauhan ng Cotabato City Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga reporter na namatay ang dalawang lalaki sa ospital kung saan dinala para gamutin ang lahat ng apat na biktima.
Magkatuwang na nagbantay sa lahat ng polling site sa Cotabato City ang mga police unit ng PRO-BAR at mga tauhan mula sa Regions 11 at 12, personnel ng 6th Marine Battalion ng 1st Marine Brigade ng Philippine Navy, at mga sundalo ng 6th Infantry Division ng Philippine Army.
Samantala, naging maayos at mapayapa ang pagsasagawa ng halalang parliamentaryo sa kalapit na mga bayan ng Sultan Kudarat at Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte.
Makikita sa larawan ang mga emergency responder habang inilalayo ang isang sugatang lalaki mula sa pinangyarihan ng barilan sa campus ng Cotabato City Central School.
======

Share.
Exit mobile version