Patay ang isang hinihinalang “akyat-bahay” matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis nang mahuli itong umaakyat sa isang gusali sa Binondo, Maynila noong Martes ng gabi, Agosto 25.

Kinilala ng Manila Police District (MPD) ang nasawing suspek sa alyas na “Rhenzy.”

Naaresto ang umano’y kasabwat nitong si alyas “Rosalino”, 41-anyos.

Nangyari ang insidente bandang alas-10:35 ng gabi sa ikatlong palapag ng isang gusali sa kanto ng Muelle de Binondo at San Fernando Streets.

Sa paunang ulat ng pulisya, nagpapatrolya umano ang mga tauhan ng MPD nang makatanggap sila ng sumbong mula sa isang concerned citizen hinggil sa ilang indibidwal na umano’y umaakyat sa itaas na bahagi ng Bahay Kastila Panciteria.

Agad na nagtungo sa lugar ang mga pulis at umano’y naabutan ang dalawang lalaki na umaakyat sa isang kalapit na gusali.

Nang magpakilala ang mga pulis at tangkaing arestuhin ang mga suspek, tumakbo umano si Rhenzy patungo sa San Fernando Building. Hinabol siya ng mga pulis kasama ang mga barangay watchman mula sa Barangay 287.

Pagdating sa ikatlong palapag, umano’y bumunot ng baril si Rhenzy at pinaputukan ang mga humahabol na pulis. Gumanti naman ng putok ang mga awtoridad.

Tinamaan ng bala ang suspek. Agad siyang dinala sa kalapit na ospital ngunit idineklara siyang dead on arrival.

Ayon sa pulisya, hinihinalang miyembro si Rhenzy ng Commando Gang.

Samantala, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang iba pang detalye hinggil sa insidente at kung may iba pang sangkot sa umano’y serye ng pag-akyat sa mga gusali sa lugar. 

Share.
Exit mobile version