Inaprubahan ng House Committee on Welfare of Children ang isang panukalang batas na naglalayong gawing institusyonal at palakasin ang papel ng Parent-Teacher and Community Associations (PTCAs) sa mga pampublikong paaralan.
Ang substitute bill ay pagsasama-sama ng House Bills Nos. 415, 2972, at 4069 na inakda nina Reps. Lani Mercado-Revilla, Bryan Revilla, Ramon Jolo Revilla III, Leyte Rep Martin Romualdez at Yedda Marie Romualdez.
Ayon kay Ako Ilokano Partylist Rep Richelle Singson, Chairman ng komite, mahalaga ang hakbang na ito dahil sa loob ng mahabang panahon, ang PTCA ay umiiral lamang sa pamamagitan ng administrative issuances at walang matibay na statutory mandate.
“The bill provides the statutory framework that has long been lacking,” ani Singson.
Sa ilalim ng panukala ay pormal na magtatatag ng PTCA sa lahat ng public child development centers at basic education schools, pagkakaroon ng kinatawan mula sa komunidad na magsisilbing adviser o resource person, pag-oobliga sa PTCA na magtalaga ng parent representative sa school child protection committee, proteksyon sa kalayaan ng mga magulang na pumili kung sasali sa organisasyon.
Sa ilalim ng panukala, aamyendahan ang Article 77 ng Presidential Decree No. 603 upang bigyang-daan ang mas malapit na koordinasyon ng PTCA sa mga opisyal ng paaralan, student councils, Local Councils for the Protection of Children (LCPCs), at iba pang ahensya ng gobyerno.
Magdaragdag din ng bagong probisyon (Article 77-A) na nag-uutos sa PTCA na makipagtulungan para sa proteksyon at holistic development ng mga kabataan.

Share.