Isang bagong kabanata ang nagbukas sa kasaysayan ng Nepal nang manumpa bilang bagong prime minister ang rapper-turned-politician na si Balendra “Balen” Shah nitong Biyernes, Marso 27.
Ang 35-anyos na reformist at ang kanyang partidong Rastriya Swatantra Party (RSP) ay nagtala ng landslide victory sa nakaraang eleksiyon — ang unang halalan matapos ang madugong anti-corruption protests na nagpatalsik sa dating gobyerno noong nakaraang taon.
Sa gitna ng hiyawan at suporta ng kanyang mga tagasunod, nanumpa si Shah na suot ang kanyang trademark na itim na outfit at dark sunglasses.
Isang araw bago ang kanyang panunumpa, binasag ni Shah ang kanyang pananahimik sa pamamagitan ng isang rap song na inilabas sa social media.
Sa nasabing kanta, na umani na ng halos tatlong milyong views, binigyang-diin niya ang pagkakaisa at ang kanyang dedikasyon sa pagbabago.
Ang pagkapanalo ni Shah ay itinuturing na tagumpay ng mga kabataan matapos ang youth uprising kung saan hindi bababa sa 77 katao ang nasawi.
Nagsimula ang kilos-protesta dahil sa ban sa social media ngunit kalaunan ay naging malawakang panawagan laban sa korapsiyon at kahirapan.
Tinalo ni Shah ang beteranong Marxist leader at four-time prime minister na si KP Sharma Oli sa sarili nitong balwarte.
Kasabay ng pag-alis sa puwesto ng interim prime minister na si Sushila Karki, binigyang-diin nito ang pag-asa sa bagong henerasyon ng mga pinuno.

Share.