NAKAHANDA ang National Capital Region Police Office ((NCRPO) sa seguridad para sa darating na Undas 2026 sa mga sementeryo, memorial park at columbarium sa Metro Manila.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano na inatasan ang lahat ng district director, chief of police at station commander na makipag-ugnayan sa mga administrator ng sementeryo, columbarium para sa pagtatalaga ng mga pulis sa mga estratehikong lugar, pasukan at labasan ng sementeryo, mga kalapit na kalsada, terminal ng transportasyon at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng mga taong bibisita sa mga namayapang kaanak.
Pinag-aaralan din ang mga lugar na dapat na tutukan ng police visibility para maiwasan ang krimen at mabilis na rumesponde sa emergency.
Kabilang din ang koordinasyon sa local government units , traffic authorities at iba pang ahensya para sa traffic plan sa paligid ng mga sementeryo.
Nagpaalala din sa publiko ang NCRPO chief na maging responsable at planuhin ang pagtungo sa sementeryo at binigyang-diin ni Abrahano na “Security is a shared responsibility” – kailangan ang pakikiisa ng publiko para maging payapa at ligtas ang Undas. (Gina Garcia)

