DALAWANG lalaking hayok sa laman ang nasukol ng pulisya sa magkahiwalay na police operation araw ng Miyerkules sa mga Lungsod ng Malabon at Caloocan.

Unang dinakip ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission si alyas “Tonton”, 34, na sinilbihan ng warrant of arrest dakong alas-2:10 ng hapon sa loob ng Malabon City Jail matapos na unang siyang maaresto sa kasong paglabag sa PD 1602 o illegal gambling.

Ayon kay P/Lt. Redentor Mantala, Jr. hepe ng Warrant and Subpoena Section ng Malabon Police Station, dala ng kanyang mga tauhan ang isinilbing warrant of arrest na inilabas ng Malabon Regional Trial Court (RTC) Branch 289 laban sa akusado para sa kasong Sexual Assault na nakapaloob sa R.A. 8553 o ang New Anti-Rape Law na may inilaang piyansang P120,000.

Dakong alas-10:10 naman ng gabi nang masukol ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang 26-anyos na delivery rider na si alyas “Bambi” sa kanyang tinutuluyang bahay sa Barangay 178 Camarin makaraang magtago nang sampahan ng kasong panghahalay ng kanyang biniktima.

Sinabi ni Col. Goforth na inaresto ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Caloocan RTC Branch 129 para sa kasong Rape by Sexual Assault na may piyansa ring P120,000 para sa pansamantalang paglaya.

Ayon naman kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kabilang ang dalawang nadakip na may kasong panghahalay sa walong Most Wanted Person na naaresto sa ikinasa nilang “Warrant Day” operation sa loob ng dalawang araw mula Martes ng hapon hanggang Miyerkules ng gabi. (Edison de Jesus)

 

Share.