NAGBABALA kahapon ng Lunes (Oktubre 12) si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez sa mga gumagamit ng pekeng person with disability identification card na mabubuko sila sa pamamagitan ng HELP Citizen Card ng lungsod habang nagpaalala naman sa mga business establishment na hindi dapat ipagkait ang mga benepisyo sa mga lehitimong cardholder.

Giit ng alkalde na habang maaaring i-check ng mga establisyimento ang rehistradong PWD status ng mga residente ng Parañaque sa pamamagitan ng HELP Citizen Card, kailangan pa rin nilang kilalanin at tanggapin ang mga valid na PWD ID alinsunod sa mga umiiral na batas.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10754, ang mga kwalipikadong PWD ay may karapatan sa 20-porsiyentong diskwento at exemption sa value-added tax, kung naaangkop, sa mga sakop na produkto at serbisyo, kabilang ang ilang pagbili ng gamot, serbisyong medikal at dental, transportasyon, at bayad sa pagpasok, alinsunod sa mga kondisyon ng batas.

Nilinaw din niya na ang kawalan ng HELP Citizen Card ay hindi awtomatikong nangangahulugan na hindi balido ang isang PWD ID.

Ang paalalang ito ay kasunod ng ulat ng Department of Justice (DOJ) tungkol sa posibleng pagkalat ng hanggang 6 na milyong pekeng PWD identification card sa buong bansa, na nagdulot ng pangamba sa umano’y maling paggamit ng mga pribilehiyong nakalaan para sa mga taong may kapansanan.(Gina Garcia)

Share.