Patay ang 47-anyos na pulis nang salpukin ng isang sasakyan habang nagsasagawa ng overlapping checkpoint ang mga tauhan ng Jimenez Municipal Police Station (MPS) sa Jimenez, Misamis Occidental, noong Linggo ng gabi ng Setyembre 21, 2026.
Ayon sa inisyal na ulat, nagsasagawa noon ng overlapping checkpoint ang mga tauhan ng Jimenez MPS nang dumating ang isang Mitsubishi Xpander na bumibiyahe mula Aloran patungong Ozamiz City.
Sa halip na ligtas na makadaan, iniulat na unang bumangga ang sasakyan sa checkpoint signage bago umano tuluyang sumalpok sa isang pulis na nakatalaga sa checkpoint.
Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng malubhang pinsala ang 47-anyos na police officer. Agad siyang isinugod sa Jimenez Medicare Community Hospital ngunit Kalaunan ay namatay rin.
Samantala, ang driver ng Mitsubishi Xpander ay isang 60-anyos na retiradong sundalo na iniulat ng pulisya na pinaniniwalaang nasa impluwensya ng alak nang mangyari ang insidente.
Dinala sa Jimenez MPS ang driver kasama ang sasakyan para sa kaukulang disposisyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
=====

Share.