Nasawi ang apat na miyembro ng isang armadong grupong sumusuporta sa mga natitirang miyembro ng nabuwag na Dawlah Islamiya sa magkahiwalay na operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Army at Philippine National Police sa Barangay Pantar, Banisilan, Cotabato nitong Hulyo 9 at 10.
Batay sa ulat ng Cotabato Provincial Police Office at ng 602nd Infantry Brigade ng 6th Infantry Division, nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad upang isilbi ang mga warrant of arrest laban sa lider ng grupo na si Medalya Sultan Tidong, na kilala rin sa alyas na “Commander Tanda.”
Gayunman, umano’y pinaputukan ng armadong grupo ang paparating na mga operatiba, na nauwi sa engkuwentro. Tatlo sa mga hinihinalang bandido ang napatay habang ang iba ay tumakas patungo sa kabundukan ng Barangay Pantar.
Sa isinagawang hot pursuit operation, naaresto naman si Madali Sultan matapos umanong manlaban.
Narekober sa kanya ang isang M16 rifle.
Kinabukasan, Hulyo 10, isa pang hinihinalang miyembro ng grupo na si Wawie Manampen Sultan ang napatay sa panibagong operasyon matapos ding umano’y manlaban sa mga awtoridad.
Ayon sa mga opisyal, ang grupo ni Tidong ay matagal nang iniuugnay sa pagbibigay ng kanlungan sa mga natitirang miyembro ng nabuwag na Dawlah Islamiya.
Iniuugnay rin sila ng mga lokal na opisyal sa mga kaso ng pangingikil at iligal na bentahan ng shabu at marijuana.
Patuloy ang operasyon ng pinagsanib na pwersa upang matunton at maaresto si Tidong at ang iba pa nitong kasamahan na nahaharap sa iba’t ibang kasong kriminal, kabilang ang multiple murder, multiple frustrated murder, at illegal possession of firearms.
Trending
- Marcoleta, pinagpapaliwanag ng Sandigan
- Education crisis dapat bigyang prayoridad
- Mas mabigat na parusa sa ospital
- Senior high timbig sa pagpo-post sa socmed ng banta vs guro, estudyante
- Tour guide sibak sa harassment sa hiker
- Delivery rider huli sa P1M shabu
- Ilang bahagi ng Davao lubog sa baha
- Lalaki namemeke ng birth certificate, timbog

