Walong lugar sa Luzon at Visayas ang inaasahang makararanas ng mapanganib na heat index sa Miyerkules, Abril 29, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa PAGASA, ang heat index ay ang init na nararamdaman ng katawan ng tao kapag pinagsama ang temperatura ng hangin at halumigmig.
Ang mapanganib na antas ay nasa pagitan ng 42ºC hanggang 51ºC at maaaring magdulot ng heat cramps at heat exhaustion na posibleng mauwi sa heat stroke.
Batay sa 5 p.m. forecast ng Pagasa nitong Abril 28, inaasahang maitatala sa Sangley Point sa Cavite City ang pinakamataas na heat index na 43ºC.
Anim na magkakasunod na araw nang nakararanas ang lugar ng mapanganib na heat index.
Samantala, inaasahan ding umabot sa 42ºC ang heat index sa Tuguegarao City, Cagayan; Cubi Pt., Subic Bay sa Olongapo City; TAU Camiling, Tarlac; Cuyo, Palawan; Dumangas, Iloilo; Catarman, Northern Samar; at Borongan, Eastern Samar.

Share.
Exit mobile version