Mahigit 60 estudyante sa San Fernando, Romblon ang napaulat na isinugod sa Rural Health Unit (RHU) matapos umanong mahimatay at makaranas ng panic kasunod ng magnitude 5.4 na lindol na tumama sa Claveria, Masbate nitong Lunes ng umaga.
Ayon kay San Fernando Mayor Fernando Marin, karamihan sa mga naapektuhan ay mga estudyante ng Don Carlos Memorial National High School, habang may ilan ding mula sa Barangay España.
Agad namang nagpadala ang lokal na pamahalaan ng mga sasakyan upang madala sa RHU ang mga estudyante. Nagtayo rin ito ng mga tent sa labas ng pasilidad upang matugunan ang pagdagsa ng mga pasyente.
Tiniyak ng alkalde na wala namang naitalang malubhang kaso at sapat ang kakayahan ng RHU upang tugunan ang sitwasyon.
Pansamantala ring sinuspinde ang klase sa Don Carlos Memorial National High School habang isinasagawa ang assessment sa paaralan.

Share.
Exit mobile version