Iniimbestigahan na ang limang pulis nang pasukin umano ang isang bahay para mag-inspeksyon nang walang warrant of arrest sa Lucena City, Quezon.
Natanggap umano ni Senador Raffy Tulfo ang reklamo ng mga biktimang sina Roberto Zamora at Victor Zambora, at kaanak nitong si Joana Sales, kung saan nilooban umano sila sa kanilang tahanan sa Barangay Cotta noong Marso 30.
Ayon sa mga complainant, hindi naka-uniporme ang mga pulis, naka-shorts lamang, walang suot na ID, at armado nang pumasok sila sa bahay.
Nag-video at nagsagawa pa umano ng inspeksyon sa loob ng kanilang tahanan nang walang ipinakitang pisikal na kopya ng warrant of arrest, kundi isang picture lamang sa cellphone na nakatuon sa pangalan.
Ayon sa pamilya, hinahanap umano ng mga ito si Roberto, kahit matagal na umanong na-dismiss ang kanyang kaso at mayroon pang Certificate of Discharge na may petsang Oktubre 13, 2025.
Agad namang tinawagan ni Tulfo ang Quezon Provincial Police Office para i-report ang insidente dahil sa umano’y paglabag ng mga pulis sa protocol, kabilang ang hindi pagsusuot ng uniporme at kawalan ng body-worn cameras sa operasyon.
Tinugunan naman ito ni QPPO Director PCol. Romulo Albacea at inihayag na kasalukuyan nang iniimbestigahan ang insidente at naisyuhan na ng relieved orders ang mga sangkot na pulis, na nadisarmahan na rin.
Iminungkahi rin ni Tulfo na sampahan ng administrative cases ang mga pulis na sangkot sa insidente.
Trending
- Comelec nagsimula na sa disposal ng ‘di nagamit na balota sa BARMM poll
- ‘Pinas magbubukas ng mga embahada, konsulada sa ibang mga bansa
- P2.6m ismagel yosi nasamsam sa Cotabato
- Bea, suot pa rin ang singsing
- Joshua, asiwa sa love scenes
- Rico Blanco, spotted, may kasamang ‘mystery girl’
- Dating teammate ni Wade sinuntok sa Greek League Finals
- Ateneo umatras sa Filoil EcoOil Preseason Cup
