Nasa 46 container van mula sa cargo vessel na MV Span Asia 39 ang nahulog sa dagat habang naglalayag sa karagatan ng Batangas noong Huwebes, Setyembre 3.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) Southern Tagalog District, nakaranas ang barko ng paghambalos ng malalakas at tuloy-tuloy na pag-alon habang papalapit sa karagatan ng Calatagan at Nasugbu.

Tinatayang nasa 1.78 nautical miles kanluran ng Hamilo Point ang lokasyon ng barko nang lumuwag umano ang mga pangkabit sa mga container.

Agad namang nagsagawa ng shoreline patrol at information dissemination ang Civil Relations Group-Southern Tagalog, Coast Guard District Southern Tagalog at CGSS Nasugbu sa mga barangay ng Calayo, Balaytigue, Natipuan at Wawa.

Pinag-iingat ng PCG ang mga mangingisda at iba pang sasakyang-dagat dahil maaaring maging panganib sa paglalayag ang mga container o debris na maaaring maanod sa karagatan.

Hinimok din ang mga opisyal ng barangay at mga residente sa mga coastal community na agad ireport sa CGSS Nasugbu sakaling makakita ng anumang inaanod na container o iba pang debris.

Share.
Exit mobile version