Nailigtas ang apat na katao na sakay ng isang yate matapos masunog ang barko habang naglalayag malapit sa San Fernando, Sibuyan Island sa Romblon.
Sinabi ni Philippine Coast Guard (PCG) Southern Tagalog District Commander Commodore Geronimo Tuvilla na ang mga lokal na mangingisda ang unang rumesponde matapos mamataan ang makapal na itim na usok na pumapailanlang mula sa dagat.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na umalis ang yate mula sa Subic at patungong Cebu nang sumiklab ang sunog bago mag-ala-1:00 ng hapon.
Hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang eksaktong sanhi ng sunog, ngunit sinabi ni Tuvilla na ang apoy ay hinihinalang nagmula sa makina ng yate.
Tuluyan nang tinupok ng apoy ang barko, ngunit tiniyak ng PCG sa publiko na walang banta ng oil spill.
Hihilahin ng Coast Guard ang nasunog na yate papunta sa isang ligtas na lokasyon upang maiwasan itong magdulot ng panganib sa mga dumadaang barko, lalo na sa panahon ng paglalayag sa gabi.
Inihayag din ng PCG na ang mga mangingisda na mabilis na rumesponde at nagligtas sa apat na sakay ng nasusunog na yate ay kikilalanin dahil sa kanilang katapangan at mabilis na pagkilos.

Share.