Arestado ang apat na katao nang maaktuhang nagsasagawa ng ilegal na paglilipat ng mga produktong petrolyo mula sa dalawang bangka patungo sa isang tanker truck sa Kanduli Street, Barangay NBBS Dagat-Dagatan, Navotas City.
Ayon sa Navotas City Police Station, nadiskubre ang operasyon habang nagsasagawa ng regular na pagpapatrolya ang mga operatiba ng Kaunlaran Substation 4.
Sa pagresponde ng mga pulis, naaktuhan umano ang mga suspek na gumagamit ng dalawang generator pump at humigit-kumulang 50 meters suction hose sa paglilipat ng petroleum products. Nabigo rin umano ang mga ito na magpakita ng permit, lisensya, at iba pang dokumentong magpapatunay na legal ang kanilang operasyon.
Nakumpiska sa operasyon ang isang tanker truck, dalawang bangka na may kargang petroleum products na hindi pa matukoy ang eksaktong dami, dalawang generator pump, at isang suction hose.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 2 ng Presidential Decree No. 1865 o Illegal Trading in Petroleum and/or Petroleum Products.
Patuloy namang hinihikayat ng Navotas PNP ang publiko na agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa iligal na kalakalan ng petroleum products upang mapanatili ang kaligtasan at seguridad ng komunidad.

Share.
Exit mobile version