NASAWI ang tatlong menor de edad sa pagkalunod nang maligo sa dagat kasama ang kanilang mga magulang at kamag-anak para sa isang advance birthday celebration sa coastal area ng Sitio Proper, Barangay Navotas, Calapan City ng Oriental, Mindoro 5:30 ng hapon araw ng Huwebes August 20, 2026.
Ayon sa report ng Calapan City Police Station, ang mga nasawing biktima ay kinabibilangan ng isang 8-anyos at dalawang 6-anyos na bata na  napansin ng kanilang mga kaanak na nahihirapan ang tatlong biktima sa paglangoy sa tubig kaya’t agad na humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Agad na isinagawa ang rescue and retrieval operation sa tulong ng Calapan City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO). Nadala pa ang mga bata sa pagamotan ngunit idineklarang dead on arrival ng mga rumespondeng doktor.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye ng insidente. Hinimok naman ng mga awtoridad ang mga magulang at guardian na maging mas mapagmatyag sa mga bata kapag nasa tabing-dagat, ilog, swimming area at iba pang lugar na may tubig.
Nanawagan din ang Calapan CPS sa publiko na igalang ang privacy ng mga naulilang pamilya at iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon, larawan o video kaugnay ng insidente.

Share.
Exit mobile version