Tinambangan at hinoldap ng mga hindi pa nakikilalang armadong suspek ang tatlong empleyado ng isang bangko habang patungo sa kanilang destinasyon upang magdeposito ng pera nitong umaga ng Hunyo 17 sa Sitio Damilag, Manolo Fortich, Bukidnon.
Batay sa imbestigasyon ng Manolo Fortich Municipal Police Station, naganap ang insidente 9:40 ng umaga habang sakay ng sasakyan ang mga biktima at patungo sana sa Land Bank sa bayan ng Manolo Fortich upang ideposito ang kanilang nakolektang pera.
Ayon sa ulat, bigla umanong hinarang ng mga armadong lalaki na sakay ng isang Ford Ranger Wildtrak ang sasakyan ng mga empleyado bago ito paulanan ng bala.
Nagtamo ng maraming tama ng bala ang sasakyan ng mga biktima.
Sinubukan pa umanong manlaban ng mga empleyado, subalit nagawa pa ring makuha ng mga suspek ang bag na naglalaman ng humigit-kumulang P1.677 milyong cash.
Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang sasakyan.
Sa kabila ng pamamaril, ligtas at walang nasugatan sa panig ng mga empleyado.
Kasalukuyan naman silang sumasailalim sa imbestigasyon habang nagpapatuloy ang operasyon ng mga awtoridad upang matukoy at maaresto ang mga responsable sa krimen.

Share.
Exit mobile version