Umabot na sa 26 na lugar sa bansa ang nakararanas ng tagtuyot bunsod ng matagal na kakulangan ng ulan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay umano ang pagsusuri sa aktuwal na rainfall data mula Disyembre 2025 hanggang Mayo 24, 2026, kung saan naitala ang magkakasunod na buwan ng below-normal hanggang way below-normal na pag-ulan sa iba’t ibang lugar.
Sa isinagawang climate forum noong Mayo 26, sinabi ni PAGASA weather specialist Ryan Diocampo na nananatiling kulang ang pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon at ilang lalawigan sa Western Visayas.
“Mula Mayo 1-24 ay mapapansin po natin na may malaking bahagi pa rin po ng Luzon at ilang probinsya sa western Visayas ang nakatanggap ng higit na mababa kaysa karaniwan na pag-ulan (From May 1 to 24, we can observe that a large part of Luzon and some provinces in Western Visayas still received way below-normal rainfall),” ani Diocampo.
Ayon sa PAGASA, 37 lugar sa Luzon at Visayas ang nakaranas ng way below-normal rainfall condition, habang ang katimugang bahagi lamang ng Eastern Visayas ang nakapagtala ng mas maayos na dami ng ulan. May 28 lugar naman, karamihan sa Mindanao, ang nakaranas ng near-normal rainfall, habang 18 lugar ang nakapagtala ng below-normal rainfall. Dalawang lugar lamang ang nakaranas ng above-normal rainfall.
Ipinaliwanag ng PAGASA na itinuturing na way below-normal ang pag-ulan kapag 40 porsiyento itong mas mababa sa normal. Ang below-normal naman ay 41 hanggang 80 porsiyentong mas mababa, habang near-normal ang 81 hanggang 120 porsiyento ng karaniwang dami ng ulan. Above-normal naman kapag lumampas sa 120 porsiyento.
Kabilang sa mga lugar na nasa ilalim ng drought condition ang Abra, Albay, Apayao, Bataan, Benguet, Camarines Norte, Catanduanes, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Isabela, Kalinga, La Union, Laguna, Masbate, Metro Manila, Mountain Province, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Pangasinan, Quirino, at Rizal.
“Ito po ay three consecutive months na way below normal rainfall condition (These are areas that have experienced three consecutive months of way below-normal rainfall conditions),” dagdag ni Diocampo.
Samantala, 25 lugar naman ang isinailalim sa dry spell condition, kabilang ang Aurora, Batanes, Batangas, Bulacan, Cagayan, Cavite, Marinduque, Palawan, Kalayaan Island, Pampanga, Quezon, Romblon, Tarlac, Zambales, Aklan, Biliran, Capiz, Iloilo, Negros Occidental, Northern Samar, Siquijor, Southern Leyte, Davao City, Sarangani, at Tawi-Tawi.
“Ito po ay ang mga lalawigan na merong three consecutive months na merong below-normal rainfall condition (These are the provinces that have experienced three consecutive months of below-normal rainfall conditions),” aniya.
Sa kabila nito, inaasahan ng PAGASA na magiging near-normal ang pag-ulan sa karamihan ng bahagi ng bansa mula Hunyo hanggang Setyembre. Gayunman, posibleng makaranas ng above-normal rainfall ang kanlurang bahagi ng Pilipinas mula Hulyo hanggang Agosto dahil sa mas malakas na southwest monsoon o habagat.
Trending
- DENR, iimbestigahan ang mga naiulat na earth-balling activities
- PhilHealth, healthcare provider, palalakasin ang Universal Health Care
- 3 tulak tiklo, P13.6m shabu nasamsam sa Zambo
- Salpukan ng 2 trailer trucks: 1 patay
- Bebot huli nang kumubra ng P38m corporate funds
- Tulay sa Maasim winasak ng malakas ng ulan
- Taxi na dugyot, lagot sa LTFRB
- MILF commander pinaulanan ng bala sa loob ng bahay
