Bukod umano sa ginawang playing ground ng sundalo ng Amerika ang Pilipinas, ginagawa rin nitong basurahan ang bansa.
Ito ang alegasyon ng Makabayan bloc sa Kamara kaya naghain ang mga ito ng resolusyon para imbestigahan ang natanggap nilang impormasyon na ukol sa anila’y illegal shipment ng 235 container na naglalaman umano ng pangananib na electronic and plastic waste mula Amerika.
Ayon kina ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio, Gabriela party-list Rep. Sarah Elago at Kabataan party-list Rep. Renee Co, dinala umano ang mga basurang ito sa Subic Bay Freeport Zone.
“Ginawa na nga tayong military playground at firing range ng US sa Balikatan Exercises at Tomahawk Missile Launching. Ngayon, gagawin pa tayong basurahan, tambakan ng e-waste at plastik nila,” ani Co.
Sa House Resolution (HR) 1164 na inakda ng Makabayan bloc, mula Marso 2025 ay sinubaybayan anila ng Basel Action Network, ang nasabing shipment na naglalaman umano ng toxic materials tulad ng lead, mercury, cadmium, chromium, PCBs, beryllium, at asbestos, na mapanganib umano sa kalusugan ng mga tao ay maging sa kapaligiran.
Dahil dito, kailangan itong imbestigahan dahil bukod sa panganib na dala ng basurang ito ay labag din umano ito sa Republic Act No. 6969 o “Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990” at maging sa obligasyon ng bansa sa Basel Convention kung saan signatory ang Pilipinas mula pa noong 1994.
“The Bureau of Customs claims it cannot act due to a court ruling treating Subic Bay as a separate customs territory. This legal gray area is being exploited to circumvent our environmental laws,” ani Co.
Dahil dito, kailangang magkaroon aniya ang imbestigasyon at ibalik ang basurang ito sa Amerika tulad ng ginawa ng Thailand noong Marso 2026 at kumikilos na rin aniya ang Malaysia at Indonesia para proteksyunan ang kanilang bansa sa ganitong mga basura.
“Ang karapatan ng bawat Pilipino sa ligtas na kapaligiran at malusog na kalikasan ay hindi dapat isakripisyo para sa interes ng dayuhan. Clearly, this is both a national sovereignty issue and an environmental defense issue,” ayon pa kay Co.
“Hindi papayag ang kabataan na tambakan ang ating kapaligiran at dumihan ang ating kinabukasan. Lahat ng sangkot sa maruming kalakaran, dapat managot,” dagdag pa ng mambabatas.
Trending
- P1.3-m Ismagel yosi nasamsam sa Sarangani
- Pekeng water delivery boy nagnakaw sa faculty room
- ASEAN police, bubuo ng task force vs online scam
- Ginang huli sa pagpapakalat ng bomb threat sa iskul
- Bahay ni Torre sa Davao pinasok ng baha
- P2.5m iligal na mantika nasamsam sa Batangas
- Babaeng manager patay sa ambush
- Patrolman, arestado sa panggagahasa ng 14-anyos
