Arestado ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang joint buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Dasmariñas City, Cavite, noong Biyernes, Mayo 29.
Kinilala ang suspek na isang 20-anyos na lalaki at residente ng Barangay Salitran III.
Ayon sa PDEA, bandang alas-3:15 ng hapon nang ikasa ang operasyon sa koordinasyon ng PDEA Cavite Provincial Office at Philippine National Police Drug Enforcement Group Intelligence and Foreign Liaison Division.
Nahuli ang suspek matapos magbenta ng ilegal na droga sa isang undercover operative.
Narekober mula sa kaniya ang tinatayang 500 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P3.4 milyon.
Nasamsam din ang iba’t ibang non-drug evidence kabilang ang limang plastic bag kung saan nakasilid ang mga droga, isang paper bag, boodle money, cellphone, pitaka, mga identification card, ATM card, resibo, digital weighing scale, at isang motorsiklo na may kaukulang dokumento.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Share.
Exit mobile version