Humiling ng karagdagang panahon sa Department of Justice (DOJ) ang kampo ng 18 indibidwal na nagpapakilalang dating Marines at sundalo upang makapagsumite ng kanilang counter-affidavits kaugnay ng mga kasong cyberlibel at perjury na isinampa laban sa kanila.
Ayon sa kanilang abogado na si Levito Baligod, ginawa ang kahilingan sa isinagawang preliminary investigation noong Lunes.
“Yes, we did,” ani Baligod nang tanungin kung humiling sila ng extension.
Ang mga reklamo ay inihain nina House Deputy Minority Leader Leila de Lima, Fr. Flavie Villanueva, dating Senador Antonio Trillanes IV, National Security Adviser Eduardo Año, at Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang Jr. laban sa 18 indibidwal.
Umiikot ang kaso sa mga alegasyon ng grupo na nag-uugnay sa ilang opisyal at personalidad sa umano’y cash deliveries na may kaugnayan kay dating kongresista Zaldy Co.
Ayon kay Baligod, isusumite nila ang kanilang counter-affidavits sa Mayo 25.
Sinabi rin ng abogado na may mga alok umanong pera sa dating Marines kapalit ng pag-atras ng kanilang mga pahayag.
“Ang kondisyon nila ay bibigyan sila ng pera at uuwi na sila sa kani-kanilang mga probinsya at huwag na magpakita, huwag nang bumalik sa Manila, at huwag na nilang panindigan ang kanilang sinumpaang salaysay,” ani Baligod.
Dagdag pa niya, mula umano sa kampo ng mga pinangalanan sa mga pahayag at mula rin sa limang dating media operators ni Co ang mga alok, ngunit hindi siya nagbigay ng karagdagang detalye.

Share.