Umaabot sa 143 motorsiklo ang na-impound ng mga awtoridad sa isinagawang “Oplan Lambat-Bitag” sa bayan ng Kabacan, Cotabato nitong Biyernes, Agosto 14, 2026.
Kabilang dito ang 132 single motorcycle at 11 motorsiklong may sidecar na nasangkot sa iba’t ibang paglabag sa batas-trapiko.
Pinangunahan ang operasyon ni Kabacan Police Chief PLt. Col. April Lou M. Palma, bilang bahagi ng kampanya laban sa mga motoristang lumalabag sa batas, kabilang ang mga nagmamaneho nang walang driver’s license at mga motorsiklong expired ang rehistro o walang kaukulang dokumento.
Nagpasalamat naman si Kabacan Mayor Evangeline Pascua-Guzman sa mga pulis at Barangay Peacekeeping Action Teams (BPAT) sa pagpapatupad ng batas-trapiko.
Ayon sa alkalde, makatutulong ang operasyon upang maiwasan ang paggamit ng mga hindi rehistradong motorsiklo sa krimen at mapigilan ang mga insidente ng pagnanakaw at carnapping sa lugar.
Samantala, nanawagan ng pang-unawa sa publiko si Kabacan Vice Mayor Herlo P. Guzman, na siya ring chairman ng Peace and Order Council ng bayan.
Ayon sa bise alkalde, ang naturang operasyon ay isinasagawa para sa kaligtasan at kapakanan ng lahat ng residente ng Kabacan.
====
