Arestado ang pitong lalaki nang mahuling nagsusugal sa isang derby ng gagamba sa Barangay Pangao, Ibaan, Batangas nitong Linggo, Agosto 23.

Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Ibaan Municipal Police Station at Batangas Provincial Intelligence Unit o PIU laban sa ilegal na pagsusugal.

Ayon sa pulisya, aktong tumataya umano ang mga suspek sa laban ng mga gagamba nang salakayin ng mga awtoridad ang lugar.

Nakumpiska sa operasyon ang isang portable spider-fighting arena, 11 piraso ng kawayan o paleta, pitong kahon na naglalaman ng tig-25 buhay na gagamba, at mga bet money.

Nakuha rin ng mga awtoridad ang isang timbangan, notebook at score sheet na sinasabing ginagamit sa naturang aktibidad.

Nahaharap ang pitong suspek sa paglabag sa Presidential Decree 1602 o batas laban sa ilegal na pagsusugal, habang nagpapatuloy ang kaukulang proseso laban sa kanila. 

 

Share.
Exit mobile version