Aabot sa 13 katao ang inaresto nang maaktuhan umano sa ilegal na “paihi” o paglilipat ng mga produktong petrolyo mula sa mga tanker truck patungo sa mga IBC plastic container, at “pasingaw” o paglilipat ng LPG mula sa tanker patungo sa mga LPG cylinder at tangke sa isang compound sa Barangay Silangang Mayao, Lucena City noong Lunes, Hulyo 27.
Pinangunahan ng Regional Special Operations Unit 4A, kasama ang Regional Intelligence Division 4A, Provincial Intelligence Unit ng Quezon Police Provincial Office at Lucena City Component Police Station, ang operasyon alinsunod sa pinaigting na kampanya ng PRO4A laban sa oil smuggling at iba pang kaugnay na ilegal na aktibidad.
Nakumpiska sa operasyon ang iba’t-ibang tanker truck, delivery truck, IBC containers, LPG cylinders, mga hose, water pump, libo-libong litro ng diesel at LPG, na may kabuuang tinatayang halaga na umaabot sa mahigit P16.28 milyon.
Dinala ang lahat ng suspek sa Lucena City Component Police Station para sa dokumentasyon at inquest proceedings habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa posibleng lawak ng umano’y ilegal na operasyon sa lungsod.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1865 o Oil Pilferage Law at Republic Act No. 11592 o LPG Industry Regulation Act matapos silang mahuling aktuwal na nagsasagawa umano ng “paihi” at “pasingaw”.
Trending
- Filipinas hindi pinaporma ang Hong Kong 2-0
- Rain or Shine pinalawig ang kontrata ni Guiao hanggang 2030
- Ellen nagpasampal sa paldong sustento ni John Lloyd
- Isyu kina Claudine at Tulfo, naungkat; Aktres, nagpaliwanag
- Glaiza, flinex ang pagbubuntis
- 2 katao huli sa P9.53m exotic wildlife sa Surigao Port
- 4 terorista patay sa bakbakan sa Bangsamoro area
- 4 estudyante todas sa leptospirosis sa Bulacan
