Nagbabala ang state-run think tank na Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na maaaring madagdagan ang bilang ng mga Pilipinong maging mahirap dahil sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Sa kanilang pag-aaral, ipinakita na kung ang krudo ay aabot sa $105 kada bariles at maipapasa ang 35% ng pagtaas sa lokal na presyo, tataas ang poverty rate sa Pilipinas mula 13.2% tungong 14.4%.
Ibig sabihin, maraming “near poor” o mga pamilyang bahagya lamang ang kita kumpara sa poverty line ang posibleng tuluyang mahulog sa kahirapan dahil sa pagtaas ng gastusin sa araw-araw.
Ayon sa PIDS, mas ramdam ng mahihirap ang epekto dahil karamihan ng kanilang kita ay napupunta sa pangunahing pangangailangan at wala silang malaking ipon. Tinatayang hanggang 16.2% ang maaaring mabawas sa purchasing power ng mahihirap na pamilya, kumpara sa 3.4% lamang sa mayayaman.
Nagbabala rin ang think tank na kung mas lalong tataas ang presyo ng langis sa $125 hanggang $145 kada bariles, maaaring umabot sa 2.35 milyon hanggang 3.5 milyong Pilipino ang maging mahirap.
Iminungkahi ng PIDS na mas tutukan ang tulong sa mahihirap at “near poor” na mga pamilya, kabilang ang mga minimum wage earners at iba pang vulnerable groups, upang maibsan ang epekto ng krisis.

Share.
Exit mobile version