Sugatan ang pitong katao nang bumaliktad ang isang ten-wheeler truck at mahagip ang dalawang bahay sa Maharlika Highway sa Sitio Upper Sapinit, Barangay Silangang Malicboy, Pagbilao, Quezon.

Ayon sa Pagbilao Police Station, ala -1:00 ng madaling-araw nitong Lunes nang mawalan umano ng kontrol ang truck habang tinatahak ang pababa at kurbadang kalsada.

Mula sa Tagum City, Davao at biyaheng Urdaneta, Pangasinan ang truck na kargado ng saging nang umano’y mag-overshoot sa kaliwang bahagi ng kalsada.

Bumaliktad ito at tumama sa mga metal barrier bago bumangga sa dalawang residential house.

Ayon sa pulisya, kabilang sa mga nasugatan ang driver ng truck, ilang nakatira sa mga bahay kabilang ang dalawang menor de edad at isang helper.

Nasira rin ang dalawang bahay at dalawang motorsiklong nakaparada sa lugar, habang malaki rin ang pinsala sa truck.

Agad na isinugod sa Quezon Medical Center ang mga sugatan, samanatalang isinagawa ng BFP, MDRRMO at iba pang responders ang rescue at pag-hugot sa isa pang biktimang na-trap sa cabin ng truck.

Nailigtas naman ito at dinala na rin sa ospital.

Share.
Exit mobile version