Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang dalawang lalaki na umano’y sapilitang dumukot sa isang guro nang harangin ang sinasakyan nitong traysikel sa Barangay Lilod Maguing, Maguing, Lanao del Sur noong Agosto 12, 2026.
Kinilala ang biktima sa alyas na Bai, nasa hustong gulang, hiwalay sa asawa, guro sa Malungun Elementary School, at residente rin ng Barangay Malungun sa naturang bayan.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Maguing Municipal Police Station, sakay ang biktima ng pampasaherong traysikel na minamaneho naman ng alyas Sai.
Galing umano sila sa bayan ng Mulondo at patungo sa Maguing nang harangin ng isang pulang Toyota Rush SUV sa Barangay Lilod Maguing.
Dalawang lalaki umano ang bumaba mula sa SUV.
Isa sa kanila nakilalang alyas Arab, habang hindi pa batid ang pagkakakilanlan ng kanyang kasama.
Ayon sa ulat, sapilitang hinila ng mga lalaki ang guro palabas ng traysikel at isinakay sa SUV.
Agad namang tumakas ang mga suspek sakay ng naturang sasakyan patungo sa hindi pa matukoy na direksiyon.
Patuloy ang follow-up investigation ng pulisya upang matukoy ang kinaroroonan ng guro, makilala ang mga suspek at malaman ang motibo sa insidente.
Wala pa ring inilalabas na karagdagang detalye ang mga awtoridad hinggil sa kasalukuyang kalagayan o kinaroroonan ng umano’y biktima.
Ang ulat na ito ay batay sa paunang impormasyon mula sa awtoridad at maaaring ma-update habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
======
Trending
- 3 patay sa leptospirosis sa San Lazaro Hospital
- 4 wanted tiklo
- Sibilyan empleyado ng SulKud PNP patay sa ambush
- Sekyu ‘di pinasweldo, hinostage ang menor kapitbahay
- 15 guro nasagip sa rumaragasang ilog
- Pulis putol kamay sa taga ng baliw
- Mag-asawa at anak natagpuang patay sa loob ng bahay
- Janine Gutierrez umaming niloko ng boylet
