Nasawi ang isang sundalo at dalawa pa nitong kasamahan ang sugatan nang tambangan ng riding-in-tandem sa Barangay Tagbak, Indanan, Sulu, noong Miyerkules, Agosto 12, 2026.
Kinilala ang nasawing sundalo na si Cpl. Aldrin A. Wanson, 34-anyos.
Ayon sa ulat ng Indanan Municipal Police Station, 8:20 ng umaga nang mangyari ang insidente sa bahagi ng KM 4, Sitio Kasambuhan.
Pauwi na umano sa kanilang kampo ang tatlong sundalo matapos sumailalim sa Physical Fitness Test sa Division Headquarters nang sundan sila ng dalawang armadong lalaki na sakay ng motorsiklo.
Pagsapit sa lugar, bigla umanong pinagbabaril ng mga suspek ang mga sundalo gamit ang hinihinalang kalibre .45 na baril bago mabilis na tumakas.
Ayon sa paunang imbestigasyon, tinamaan ito ng bala sa likod ng ulo na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Samantala, nagtamo rin ng mga tama ng bala sa iba’t- ibang bahagi ng katawan ang dalawa nitong kasamahan at isinugod para sa kaukulang atensyong medikal.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan at motibo ng mga suspek, gayundin ang kanilang posibleng pagkakasangkot sa insidente.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang buong detalye ng pamamaril.
======

Share.
Exit mobile version