MULING kuminang si GM-candidate International Master Ronald Dableo nang magkampeon ito sa 2nd JCI Senate Lipa Open Rapid Chess Tournament na nilaro sa Lipa Academy of Sports Culture and Arts sa Barangay Dagatan sa Lipa City, Batangas noong Sabado ng gabi.
Nakalikom ang head coach ng multi-titled University of Santo Tomas (UST) chess team na si Dableo ng 6.5 puntos sa event na ipinatupad ang seven rounds Swiss System.
Kaparehong puntos ang itinala ni Dableo kay IM Michael Concio, Jr. subalit matapos ipatupad ang tiebreak points ay nagkampeon ang una at nasikwat ang tropeo kasama ang P35,000 premyo.
Lumanding sa second place si Concio, nakatanggap ito ng premyong P25,000 sa one-day rapid event, pinisak ni Dableo sina Herson Bangay, NM Arman Subaste, Esmael Abas, GM Rogelio “Joey” Antonio, Jr. at GM Darwin Laylo bago nakipaghatian ng puntos kay Chester Neil Reyes sa seventh at final round.
Naghati sa ikatlo hanggang ikalimang puwesto sina Reyes, Jhulo Goloran at Lee Roi Palma, na may tig-6.0 puntos.

