Pinitik ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima si Sen. Robin Padilla dahil ginagamit umano siya ng senador para sa baluktot nitong naratibo sa kaso ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
“Excuse me, Sen. Robin. Huwag n’yo nga akong gamitin sa baluktot n’yong naratibo,” ani De Lima.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag kasunod ng isang social media post ni Padilla na nagsasabing “The case of Senator Bato differs from that of De Lima. One was allegedly connected to drug lords, and the other is allegedly connected to neutralizing drug lords.”
Hindi ito nagustuhan ni De Lima dahil mistulang ginagamit na umano siya ni Padilla sa pagtatanggol kay Dela Rosa na ngayon ay pinaghahanap na ng mga otoridad para isilbi ang arrest warrant na inisyu ng International Criminal Court (ICC).
“Acquitted na ako sa hinarap kong mga gawa-gawang kaso. Napakalayo ng sitwasyon ko sa pinasakay mong fugitive from justice na si Sen. Bato,” ani De Lima.
Si Padilla ay kinasuhan na umano ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Department of Justice (DOJ) ng obstruction of justice dahil sa pagtakas ni Dela Rosa.
Base sa mga report, pinasakay ni Padilla sa kanyang SUV si Dela Rosa at sabay na umalis ang mga ito sa Senado noong Mayo 14, ng madaling araw, o ilang oras matapos ang tensyon sa Senado na nauwi sa putukan ng baril.
“Saka neutralizing drug lords talaga? Sabihin nya yan sa pamilya ng libo-libong biktima ng EJK. Ipaliwanag nya yan sa ICC,” ayon pa kay De Lima.
Si Dela Rosa ang nag-implementa sa Oplan Tokhang sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang hepe ng Pambansang Pulisya na ikinamatay ng libu-libong Pilipino kaya kasama ito sa kinasuhan ng crimes against humanity sa ICC.
Trending
- DENR, iimbestigahan ang mga naiulat na earth-balling activities
- PhilHealth, healthcare provider, palalakasin ang Universal Health Care
- 3 tulak tiklo, P13.6m shabu nasamsam sa Zambo
- Salpukan ng 2 trailer trucks: 1 patay
- Bebot huli nang kumubra ng P38m corporate funds
- Tulay sa Maasim winasak ng malakas ng ulan
- Taxi na dugyot, lagot sa LTFRB
- MILF commander pinaulanan ng bala sa loob ng bahay

