Nagsimula na ang pag-recruit ng Japan International Corp. of Welfare Services (JICWELS) at Department of Migrant Workers (DMW) para sa mga Pilipinong nars at certified care workers sa ilalim ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement.

Ayon sa Japanese Embassy sa Maynila, bukas ang aplikasyon para sa 50 posisyon ng nars (Kangoshi) at 300 posisyon ng care worker (Kaigofukushishi). Ang mga matatanggap ay sasailalim sa libreng anim na buwang pagsasanay sa wikang Hapon sa Pilipinas at anim na buwan sa Japan, na may kasamang daily allowance.

Matapos ang pagsasanay, magtatrabaho sila ng tatlo hanggang apat na taon sa mga ospital at pasilidad ng pangangalaga sa Japan.

Hinihikayat din silang kumuha ng Japanese license para sa mas mahabang oportunidad sa trabaho.

Dahil sa tumatandang populasyon ng Japan, tumataas ang pangangailangan para sa healthcare workers. Sa 2025, isa sa bawat limang Hapon ay may edad 75 pataas, at inaasahang magkakaroon ng kakulangan ng 250,000 care workers pagsapit ng 2026 at 570,000 sa 2040.

Maaaring magsumite ng aplikasyon online hanggang Abril 4 sa DMW website at Facebook page.

Share.