Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang travel at visa consultancy firm sa Pasig City dahil sa umano’y illegal recruitment ng mga Pilipino para sa caregiving jobs sa United States gamit ang tourist visas.
Ayon kay DMW Undersecretary Bernard Olalia, isinagawa ang operasyon laban sa State 101 Travel Visa Consultancy matapos makumpirma sa surveillance ang recruitment activities at paniningil ng malalaking halaga sa mga aplikante kapalit ng pangakong trabaho sa abroad.
Tinatayang nasa PHP90,000 hanggang PHP150,000 ang siningil sa mga biktima kapalit ng caregiving job sa U.S. na may sahod na USD1,800 kada buwan, kasama ang libreng tirahan at pagkain.
Sa operasyon, sinabi ni Olalia na may ilang biktima na dumalo, kabilang ang isang nagkuwento kung paano siya umano’y naloko matapos makita ang Facebook advertisement para sa caregiver jobs sa Amerika.
Ayon sa complainant na isang single mother mula Zamboanga del Norte, una siyang pinangakuan ng libreng pagkain, matutuluyan, at allowance, bago pinabayad ng PHP100,000 processing fee.
Kalaunan, nadiskubre niyang tourist visa lamang ang inaasikaso sa kanya at hindi work visa, at na-deny siya sa interview sa U.S. Embassy noong Disyembre 2025.
Ayon kay DMW Assistant Secretary Jerome Pampolina, walang lisensya ang kumpanya para mag-recruit ng workers abroad kaya ito ay illegal recruitment.
Dagdag pa niya, napatunayan sa surveillance na sa loob ng opisina isinasagawa ang recruitment, training, at paniningil ng bayad.
Sinabi ni Olalia na bagama’t may legal na business permits ang kumpanya bilang travel agency, wala itong awtoridad na mag-recruit o magpadala ng manggagawa sa abroad.
Gumamit umano ang naturang kumpanya ng Facebook ads para makahikayat ng mga aplikante mula sa iba’t ibang lugar tulad ng Zamboanga del Norte, Laguna, at Metro Manila.
Naghahanda na ang DMW ng kasong large-scale illegal recruitment at syndicated estafa laban sa mga may-ari at empleyado ng naturang kumpanya.
Muling nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na mag-ingat sa mga alok na trabaho sa abroad gamit ang tourist visa dahil sa panganib ng pananamantala.
Trending
- DENR, iimbestigahan ang mga naiulat na earth-balling activities
- PhilHealth, healthcare provider, palalakasin ang Universal Health Care
- 3 tulak tiklo, P13.6m shabu nasamsam sa Zambo
- Salpukan ng 2 trailer trucks: 1 patay
- Bebot huli nang kumubra ng P38m corporate funds
- Tulay sa Maasim winasak ng malakas ng ulan
- Taxi na dugyot, lagot sa LTFRB
- MILF commander pinaulanan ng bala sa loob ng bahay
