Nag-uwi ng kabuuang walong gintong medalya at isang pilak ang PADS Adaptive Dragon Boat Racing Team matapos buong-pusong kumatawan sa Pilipinas sa ginanap na 15th International Dragon Boat Federation Club Crew World Championships sa Taiwan.
Sa naturang kompetisyon na idinaos mula Agosto 29 hanggang Setyembre 7, 2026, hindi lamang medalya ang nasungkit ng koponan kundi nakapagtala rin sila ng tatlong bagong world records sa magkakahiwalay na kategorya.
Sa isang eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay JP Maunes, ang team manager ng PADS Dragon Boat Team, ibinahagi nitong isang napakalaking karangalan para sa buong koponan ang muling maitaas ang watawat ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado.
Ayon kay Maunes, higit pa sa mga medalyang kanilang nasungkit ang kahalagahan ng tagumpay na ito dahil hangad nilang magsilbing inspirasyon sa mas marami pang atletang may kapansananing nangangarap ding makipagkumpetensya sa international stage.
Ibinahagi rin ng team manager na bunga ng ilang buwang matinding pagsasanay, sakripisyo, disiplina, at walang sawang suporta mula sa kani-kanilang pamilya, mga coach, partner, at supporters ang kanilang naging kahanga-hangang performance sa Taiwan.
Inamin nitong hindi naging madali ang bawat laban na kanilang kinaharap sa kompetisyon, ngunit pinagsikapan at pinanalo ito ng buong koponan sa pamamagitan ng pagkakaisa at dedikasyon.
Para sa Cebu-based dragon boat racing team, ang kanilang tagumpay ay isang malinaw na patunay na kapag nabibigyan ng tamang oportunidad at sapat na suporta, kayang-kayang makipagsabayan ng mga atletang Pilipinong may kapansanan sa pinakamalalaking kompetisyon sa buong mundo.
Trending
- PADS dragon boat team, nag-uwi ng 8 ginto at 3 world records mula sa Taiwan
- PH batters tumalon sa 11th sa world rankings
- Andrea, ‘di bet ang video ni Bea kasama ang ex
- Xia Vigor, thankful kay Boss Vic
- Sarah G, pinutakti ng preggy questions sa IG!
- Selosong pastor sinunog ang bahay ng ka-live in: 100 kabahayan naabo
- Truck bumulusok sa bangin: 6 patay, 17 sugatan
- 4 katao nalitson ng buhay sa sunog sa Kyusi

