NAPAPAGITNA ngayon sa kontrobersiya ang Northern Police District dahil sa ulat na nabaril at napatay ang isang police captain na nakadestino sa Caloocan na inaakusahang nagholdap sa isang convenient store sa Marilao, Bulacan.
Hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang NPD gayung ang Police Regional Office 3 ay nagbunyag na isang police officer ng NPD ay napatay dahil sa panghoholdap.
Dapat din linawin kung ano ang tunay na naganap sa engkuwentro upang matukoy kung nanlaban ba o hindi ang sinasabing suspek sa panghoholdap; at kung ito ay kabilang sa sindikato ng mga pulis na ginagawang sideline ang panghoholdap.
Samantala, kinondena ng Camanava Press Corps ang umano’y pagiging ‘choosy’ sa media ni Northern Police District (NPD) Director PBGEN Jerry Protacio tuwing may Press Conference.
Makailang ulit nang ginawa ni Protacio ang pagpapadala ng media advisory ilang minuto lamang bago ang press conference na kinukuwestiyon ng mga reporters.
Hinihiling ng mga reporters na magpadala ng media advisory isang araw bago ang press conference upang makadalo sila nang maayos.
Madalas ding mangyari na maglalabas ng advisory ang NPD pero iaabiso na kinansel pero lingid sa kaalaman ng marami na itinuloy din pala.
Dahil diyan, itinuturing itong isang klase ng panloloko at senyales ng paboritismo sa pagtrato sa mga mamamahayag ng pulisya.
Hiniling ng mga mamamahayag sa NCRPO na hingin ang paliwanag ng NPD director dahil sa hindi maayos na pakikitungo sa mga mamamahayag. (Roger Panizal)

Share.