Nagulat at napikon si Nikko Natividad matapos umano siyang mabayaran ng pekeng P1,000 bill sa coffee shop na pag-aari nila ng kanyang misis na si Cielo Eusebio.

Ibinahagi ng dating Hashtags member sa kanyang Instagram ang larawan ng sinasabing fake money at pabirong sinisi ang hindi nakilalang customer na gumamit nito.

“Kung sino ka man na nagbayad ng fake na 1k sa amin kahapon sa @caphexanh.ph, MOTHER FATHER BEACH ka!! Paluwal tuloy ako,” sey niya.

Naisip pa niyang gawing biro ang insidente at nagtanong, “Kaya ba pa-AI to para maging totoo?”

Marami namang followers ang nagbigay ng payo kay Nikko na magkaroon ng money detector sa kanilang café para mas madaling masala ang mga pekeng pera.

May ilan ding nagbahagi ng tips kung paano matutukoy ang genuine at fake na P1,000 bill.

May mga netizen naman na kumuwestiyon sa kanyang post at nagsabing mukhang totoong pera ang ipinakita niya at baka ginagawa lamang niya itong content.

Hindi ito pinalampas ni Nikko at mariin niyang sinagot ang mga nagdududa sa kanyang kuwento.

Kamakailan lamang ay naging sentro rin ng pambabash si Nikko matapos niyang mag-post tungkol sa isang Mercedes-Benz G-Wagon na inakala ng ilan na nabili niya.

Kalaunan ay nilinaw niyang bahagi lamang iyon ng content at hindi niya pagmamay-ari ang luxury vehicle.

Share.
Exit mobile version