Wala pa umanong natatanggap na anumang opisyal na komunikasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng umano’y warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban kina Senador Bong Go at dalawang pulis.
“Wala pa po. Wala po kaming nare-receive pa. Walang communication ng warrant. Hindi ko po alam kung saan nanggagaling si Congressman Pulong Duterte kung anong warrant po sinasabi niya,” ani NBI Director Melvin Matibag sa panayam sa DZBB.
“Pero officially, wala pa pong communication sa amin, sa NBI po,” dagdag pa niya.
Nitong Miyerkoles ng gabi, sinabi ni Davao City Rep. Pulong Duterte na ayon sa isang “highly reliable source”, naglabas na umano ang ICC ng warrant of arrest laban kay Go at dalawa pang pulis.
Nilinaw naman ng Department of the Interior and Local Government at Philippine National Police na wala pa silang natatanggap na anumang opisyal na dokumento kaugnay nito.
