Kasalukuyang nasa protective custody na ng International Criminal Court (ICC) sina Edgar Matobato at Arturo Lascañas na umaming hitman at dating miyembro ng Davao Death Squad, ayon kay dating senador Leila de Lima.
Ayon kay de Lima sa isang panayam nitong Martes, nasa kustodiya na rin ng ICC si Matobato matapos ang pagbusisi ng tribunal sa kaniyang testimonya.
“Ang alam ko, na-access na rin siya ng ICC, and that both of them are under the protective custody of ICC, so pasado sa ICC. Importante silang witnesses para sa kanila,” ani de Lima.
Inihayag din ni de Lima na nauna ring umalis ng bansa si Matobato gamit ang isang pekeng pangalan batay sa naging pahayag ng hitman sa ‘New York Times’.
Samantala, sinabi naman ng Malacañang na wala silang impormasyon kung totoong nakalabas na ng bansa si Matobato matapos ang halos isang dekadang pagtatago.