Itinulak ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima ang panukalang magpapalakas sa proteksyon ng mga pasyente sa pamamagitan ng pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga ospital na nagdedetine ng mga pasyente dahil sa hindi pagbabayad ng hospital bills.
“It is an unjust and deplorable practice that patients who seek medical care end up being detained, or the freedom of their relatives is curtailed, in hospital facilities because of their inability to pay their medical expenses,” sabi ni De Lima.
“Sa ganitong kalakaran, may dagdag pang alalahanin ang pasyente bago magpa-ospital – kung siya ba o ang kanyang pamilya ay makakalabas ng pagamutan,” dagdag pa nito.
Aamyendahan ng House Bill 10135 ang Republic Act 9439, na nagbabawal sa pagdedetine sa mga pasyente dahil sa hindi pagbabayad ng hospital bills.
Nakasaad sa panukala na tahasang ipagbabawal ang pagdedetine hindi lamang sa mga pasyente kundi maging sa kanilang mga kamag-anak, kinatawan, tagapag-alaga, at mga bagong silang na sanggol. Nililinaw rin ng panukala na ang hindi nabayarang professional fees ay hindi maaaring maging legal na batayan para sa pagdedetine.
Sa ilalim ng HB 10135, ang sinumang opisyal o empleyado ng ospital na responsable sa pagdedetine ng isang pasyente o ng kamag-anak nito ay papatawan ng pagkakakulong na hindi bababa sa anim na buwan ngunit hindi lalagpas ng dalawang taon at apat na buwan, at/o multang mula P100,000 hanggang P300,000.
Sa kasalukuyan, ang lumalabag sa RA 9439 ay pinapatawan ng parusang isa hanggang anim na buwang pagkakakulong at/o multang P20,000 hanggang P50,000.
Kung ang paglabag ay ginawa alinsunod sa polisiya ng ospital o klinika o sa utos ng management, ang responsableng direktor o opisyal ay papatawan ng apat hanggang anim na taong pagkakakulong at/o multang mula P500,000 hanggang P1 milyon.
Kung ang paglabag ay nagawa nang tatlo o higit pang beses, babawian ng lisensya na mag-operate ang health facility.
“Kung hahayaang magpatuloy ang sistema kung saan ang pagamutan ay nagiging piitan na rin sa mga kinakapos sa pambayad, hindi na nakapagtataka kung mas dadami pa ang mga kababayan nating pipiliin na lang na hindi magpagamot dahilan para lalong lumala ang kanilang sakit o karamdaman,” sabi ni De Lima.
“Let it be clear: The right to health is not a privilege reserved only for those who can afford it; it is a right of every Filipino, regardless of status or capacity,” dagdag pa nito.
Nakasaad din sa panukala na hindi na kailangang magsumite ng promissory note ang mga indigent senior citizen kung sila ay may endorsement mula sa social service office ng ospital.
Upang maprotektahan din ang interes ng mga health care provider, pinalalawak ng panukala ni De Lima ang mga maaaring tanggapin bilang garantiya para sa hindi pa nababayarang obligasyon sa ospital.
Bukod sa promissory notes, papayagan din ang deeds of assignment na sumasaklaw sa mga benepisyo mula sa Government Service Insurance System (GSIS) o Social Security System (SSS), gayundin ang mga guarantee letter mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Department of Social Welfare and Development (DSWD), o Department of Health (DOH).
Trending
- Marcoleta, pinagpapaliwanag ng Sandigan
- Education crisis dapat bigyang prayoridad
- Mas mabigat na parusa sa ospital
- Senior high timbig sa pagpo-post sa socmed ng banta vs guro, estudyante
- Tour guide sibak sa harassment sa hiker
- Delivery rider huli sa P1M shabu
- Ilang bahagi ng Davao lubog sa baha
- Lalaki namemeke ng birth certificate, timbog
