Sugatan ang mag-asawa nang barilin ng isang dating pulis sa harapan ng kanilang tahanan sa Brgy. Old Cabalan, Olongapo City, Zambables noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang mag-asawang biktima sa pangalan lamang na Dennis, 52-anyos, at misis nitong si Rowena, 54-anyos.
Kinilala ang suspect na si alyas “Jerry”, 41-anyos, na-dismiss na pulis na nasukol ng mga anak ng biktima sa tulong ng kanilang mga kapitbahay.
Sa ulat ng Olongapo City Police Office, nangyari ang insidente sa tapat ng tahanan ng mag-asawa sa Mulawin Lane ng Brgy. Old Cabalan ng lungsod na ito. Kabababa lamang ni Dennis sa behikulo sa may gate ng kanilang tahanan nang biglang sumulpot ang suspect na may dalang armas at pinaputukan siya ng dalawang beses na tumama sa kaniyang balikat at tiyan.
Nagpaputok din ang suspect sa loob ng behikulo at tinamaan ang misis ni Dennis na nadaplisan sa bahagi ng ulo matapos na masuwerteng makadapa.
Nasakote naman ang suspect ng mga anak ng biktima na mabilis na sumaklolo at ng kanilang mga kapitbahay habang nagresponde sa lugar ang mga opisyal ng barangay.
Nakumpiska mula sa suspect ang isang cal. 9mm Luger at cal. 9mm Daewoo. Sa paunang imbestigasyon, personal na galit ang motibo sa krimen habang kalaboso na ang suspect na nahaharap sa 2-counts ng frustrated murder.

Share.
Exit mobile version