Nasawi ang isang konduktor ng bus at anim ang sugatan nang bumangga ang isang pampasaherong bus sa nakaparadang six-wheeler truck sa kahabaan ng Marcos Highway sa Baguio City nitong Martes ng madaling-araw.
Ayon sa Baguio City Police Office, nangyari ang insidente 2:00 ng madaling-araw sa Kilometer 6. Patungo umano sa Baguio City ang bus nang bumangga ito sa truck na nakahinto sa gilid ng kalsada dahil sa nag-malfunction na injection pump.
Kinilala ng pulisya ang nasawing konduktor na residente ng Urdaneta City, Pangasinan. Idineklara siyang dead on arrival sa ospital matapos maipit sa loob ng bus.
Sugatan naman ang pasahero ng truck at limang sakay ng bus, kabilang ang driver nito. Agad silang isinugod sa ospital para malapatan ng lunas.
Nagdulot din ng malaking pinsala ang aksidente sa parehong sasakyan.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye ng insidente.

=====

Share.
Exit mobile version