Sugatan ang limang pasahero nang sumalpok ang isang jeep sa dalawang concrete barriers sa Marcos Highway sa Barangay Mayamot sa Antipolo City, Rizal, Sabado ng gabi.
Ayon sa 50-anyos na driver, galing siya ng Cubao papuntang Cogeo nang biglang sumingit sa kanyang unahan ang isang motorsiklo.
“Nag-apply ako ng brake kaya lang loose brake… ang ginawa ko, binusinahan ko nang binusinahan yung motor para lumayo lang siya sa akin… pagdating doon sa may U-Turn… ang ginawa ko, inilagan ko nang inilagan hanggang sa matumbok ko ‘yung barrier,” aniya.
Ayon kay Nolie Viñas, traffic enforcer ng Office of Public Safety and Security Antipolo, nagtamo ng minor injuries ang apat na pasahero habang ang isang babae na dinala sa ospital ay nasugatan sa kanang binti.
Bukod sa dalawang concrete barriers, nadamay din ang bahagi ng gutter. Ayon sa driver, handang sagutin ng kanilang operator ang mga kaukulang danyos.
Iginiit din niya na regular niyang sinusuri ang jeep bago pumasada.
Dinala sa Antipolo Police Community Precinct 1 ang jeep at driver na posibleng maharap sa reklamong Reckless Imprudence Resulting in Physical Injuries and Damage to Property.

Share.