Napiling magbigay-buhay sa iconic song na “How Far I’ll Go” ang aktres na si Janella Salvador para sa malaking concert na magdiriwang sa ika-10 anibersaryo ng Disney animated film na “Moana.”

Makakasama ni Janella ang 78-member Filharmonika Orchestra na pangungunahan ni conductor Gerard Salonga para sa “Disney’s Moana Live-to-Film Concert” na gaganapin sa The Theatre at Solaire sa October 3 at 4.

Naging usap-usapan ang pagkakapili kay Janella dahil pareho nilang naitala ni Kai Montinola ang theme song ng “Moana” para sa Filipino audience.

Noong 2016, nang unang ipalabas ang animated film, si Janella ang napiling kumanta ng Philippine version ng “How Far I’ll Go,” dahilan para maging bahagi siya ng original run ng pelikula sa bansa.

Samantala, ngayong 2026 live-action adaptation naman ng “Moana,” si Kai ang napiling bumirit sa official Filipino version ng kanta na “Hangganan Ko.”

Kaya naman may ilang nagkumpara sa dalawang singer-actress nang malaman na si Janella ang bibida sa concert version ng Disney classic.

Gayunman, base sa mga reaksiyon sa social media, marami sa fans ni Kai ang hindi naman nagkaroon ng problema sa pagkakapili kay Janella.

Para sa kanila, makatuwiran lang na si Janella ang umawit sa anniversary concert dahil siya ang orihinal na Pinoy singer na nag-record ng kanta para sa “Moana” isang dekada na ang nakalilipas.

Sa halip na gawing isyu ang pagkakaiba ng dalawang bersyon, umaasa ang fans na susuportahan din si Kai at ang kanyang “Hangganan Ko” habang ipinagdiriwang naman ni Janella ang milestone ng kanyang version sa pamamagitan ng espesyal na live-to-film concert.
=======

Share.
Exit mobile version