PUMALYANG masaktuhan ang tamang bullseye ng Pinoy tandem nina Lourence “The Gunner” Ilagan at Paolo “Pow” Nebrida matapos patalsikin ng two-time world champion Gerwyn Price at Jonny Clayton sa iskor na 2-8 sa last 16, Linggo ng umaga (oras sa Pilipinas), sa BetVictor World Cup of Darts sa Frankfurt, Germany.

Matapos kumana ng impresibong come-from-behind na panalo sa pagpapatalsik sa dating finalists na Belgium duo nina Mike De Decker at Dimitri Van den Bergh sa bisa ng 4-3 win, nahirapang makuha ng Pinoy tandem ang tamang pulso sa pagtarget sa inaasintang numero para mahulog sa men’s pair.

Nabigong pahabain ng tambalang Ilagan at Nebrida sa Leg 10 ang laro, sa kumpetisyong unahan na maka-walong panalo, matapos maunahan ng mga eksaktong patama nina Clayton at Price.

May tsansa pa sanang makatakas ng panalo ang Pinoy duo nang tumikada ng tatlong triple 20s si Nebrida para ibaba mula sa 258 patungo sa 78 na natitira, subalit siniguro ni Clayton na matatapos nito ang natitirang 70 sa tig-isang 18, 20 at double na 16 para tuldukan ang kampanya ng mga Pinoy, na tinalo ang Latvia 4-2 sa opening round-robin tie.

Share.