Nakabuo ng isang bagong halamang gamot mula sa “sulasimang bato” ang mga researcher mula sa University of the Philippines (UP) Manila Institute of Herbal Medicine sa National Institute of Health (NIH), na nag-aalok ng alternatibong paggamot para sa gout at hyperuricemia.
Ang ”ulasimang bato” ay isang halamang matagal nang ginagamit sa tradisyunal na medisina ng Pilipinas dahil sa mga katangian nitong pampagaan ng sakit, anti-inflammatory, at anti-hyperuricemic na kadalasang isa sa mga halamang gamot na inirerekomenda ng Department of Health (DOH).
Bagamat matagal nang ginagamit na pamamaraan ng panggamot pinaigting ng grupo ng UP Manila ang pagpapakilala nito sa pamamagitan ng agham at clinical trials, pati na rin sa paggawa nito bilang isang tableta.
Ayon pa sa grupo ng mananaliksik ang ”ulasimang bato” ay epektibong nagpapababa ng uric acid sa katawan ng tao. Sa mga itinakdang clinical trial, naranasan ng mga lumahok ang 40 percent na pagbaba ng uric acid sa loob ng 14-araw, na nagpatuloy hanggang 63 percent sa ika-28 araw, at umabot pa ng 78 percent sa ika-49 na araw.
Patuloy namang nagsusumikap ang mga mananaliksik upang maging accessible ang ”ulasimang bato” na tableta sa publiko.
Samantala ang Technology Transfer and Business Development Office (TTBDO) ng unibersidad ay kasalukuyang naghahanap ng mga katuwang upang tulungan itong mailabas sa merkado.
Sa datos ng World Health Organization (WHO) ang gout ay isang kondisyon na nakakaapekto sa higit sa 41 million na tao sa buong mundo, kabilang ang mahigit 1.6 milyong Pilipino, na nagdudulot ng matinding pananakit, pamamaga, at hindi komportableng pakiramdam sa mga kasu-kasuan.
Bagamat ang mga gamot tulad ng allopurinol at febuxostat ay ginagamit upang pababain ang uric acid, may mga negatibong epekto ito na maaaring magdulot ng panganib sa atay at kidney.

Share.