Inirekomenda ng Land Transportation Office (LTO) ang lifetime ban sa pagkuha ng driver’s license ng isang driver na dalawang beses nasangkot sa magkahiwalay na road rage incident sa Cebu City.

Kabilang dito ang insidente noong Agosto 5 sa Capitol Square, Barangay Capitol Site.

Hinarangan umano ng driver ng pick-up ang isang rider ng motorsiklo at nang bumaba sa sasakyan ay sinuntok ang rider sa mukha.

Nagbanta rin umano ang driver sa rider at pamilya nito.

Habang isinasagawa ang proseso sa unang insidente, muli umanong nasangkot ang parehong driver sa road rage incident matapos kumalat ang video sa Facebook.

Makikita umano rito ang pagtatangkang saksakin nang ilang beses ng driver ang isang kapwa motorista.

Pinaharap na ng LTO ang rehistradong may-ari at driver ng pick-up at inatasang magsumite ng sinumpaang salaysay kaugnay ng posibleng paglabag sa Republic Act No. 4136, kabilang ang reckless driving at deklarasyon bilang improper person to operate a motor vehicle.

Iniutos din ang pagsuko ng driver’s license na sasailalim sa 90-day preventive suspension, habang inilagay sa alarm status ang sangkot na sasakyan.

“Dalawang beses nang nasangkot sa road rage, may pananakit at tangkang pananaksak pa. Malinaw na hindi na ito simpleng init ng ulo kundi seryosong banta sa kaligtasan ng kapwa motorista,” pahayag naman ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao.

===

Share.
Exit mobile version