Arestado ang isang matagal nang pinaghahanap na miyembro ng nabuwag na Dawlah Islamiya na sinasabing eksperto sa paggawa ng improvised explosive devices (IEDs) sa isinagawang pinagsanib na operasyon ng pulisya at militar sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao del Sur noong Hulyo 21.
Kinilala ang suspek na si Muslimin Sangila Amilil, 38-anyos, na ayon sa mga awtoridad bihasa sa paggawa ng malalakas na bomba gamit ang ammonium nitrate o potassium chlorate, na nilalagyan umano ng mga pako at matutulis na metal fragments at maaaring pasabugin gamit ang mobile phone.
Ayon sa Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), sinasabing sinanay si Amilil sa paggawa ng mga homemade bomb ng Malaysian terrorist na si Zulkifli bin Hir o “Marwan,” na napatay sa engkuwentro laban sa PNP Special Action Force sa Mamasapano noong Enero 25, 2015.
Iniuugnay rin ng mga awtoridad si Amilil sa pananambang noong Marso 28, 2026 malapit sa himpilan ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office sa Shariff Aguak, kung saan limang pulis ang nasawi at tatlo pa ang nasugatan.
Pinangunahan ni Maguindanao del Sur Provincial Police Office Director Col. Michael John Mangahis ang operasyon, sa tulong ng mga sundalo ng 34th Infantry Battalion at mga intelligence personnel ng 601st Infantry Brigade ng Philippine Army.
Bago ang pagkakaaresto kay Amilil, sinalakay muna ng mga awtoridad ang kanyang pinaghihinalaang hideout sa Barangay Duguengen, Shariff Saydona Mustapha, ngunit hindi siya natagpuan.
Sa halip, naaresto ang kanyang asawa na si Aiza Awab Amilil, 36-anyos, matapos umanong makumpiska sa kanilang bahay ang tatlong M16 rifle, isang M14 rifle, at tatlong improvised explosive devices.
Kalaunan, natunton at naaresto si Amilil sa isang liblib na bahagi ng Barangay Tukanalipao sa tulong ng mga lokal na opisyal, mga Moro datus, at Shariff Saydona Mustapha Municipal Police Station.
Kasalukuyang nakakulong si Amilil sa isang police detention facility habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanya.
Trending
- Trailer truck nahulog sa sapa: 3 sakay nasagip
- Dawlah Islamiya bomb-maker, timbog
- M’danao binaha; P2.3m pinsala sa sakahan naitala
- Grupong Pinoy sa Tsina: ‘Di kami unggoy!
- Napoles, ex-opisyal ng DAR guilty sa malversation
- Valid ID ‘di kailangan sa pagkuha ng Postal ID
- Price cap sa agri products, ‘di kailangan
- Robin naglalagay ng kulay sa impeachment trial

