Ipinahayag ng China na handa itong makipagtulungan sa Russia sa United Nations Security Council (UNSC) upang makatulong na mapawi ang tumitinding tensyon sa Middle East, partikular sa isyu ng Strait of Hormuz.
Sa isang phone call noong Linggo, sinabi ni Chinese Foreign Minister Wang Yi kay Russian Foreign Minister Sergei Lavrov na mahalaga ang agarang ceasefire upang maresolba ang mga isyu sa nabigasyon sa naturang mahalagang shipping route.
Ayon kay Wang, dapat isulong ang political settlement sa pamamagitan ng diyalogo at negosasyon, sa halip na patuloy na paglala ng sigalot.
Tinalakay din ng dalawang opisyal ang paparating na botohan sa UN Security Council tungkol sa isang resolusyong inihain ng Bahrain na layuning protektahan ang komersyal na pagpapadala sa Strait of Hormuz.
Iginiit ng China at Russia na bilang permanenteng miyembro ng UNSC, dapat silang magpatuloy sa “balanse at obhetibong” pagtingin sa mga isyu upang makakuha ng mas malawak na suporta mula sa internasyonal na komunidad.
Ayon sa Russian Foreign Ministry, napagkasunduan din ng dalawang bansa ang pangangailangang agarang ceasefire at pagsisimula ng political-diplomatic dialogue, habang kapwa nilang tinutulan ang aksyon ng US at Israel sa rehiyon.
Patuloy namang nananawagan ang China ng tigil-putukan sa Middle East habang nananatiling kritikal ang sitwasyon sa Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng langis at gas sa pandaigdigang kalakalan.

Share.