Ilang pasahero ng pampasaherong bus ang sugatan nang bumangga sa isang dump truck at parehong sumalpok sa mga establisyemento sa Maharlika Highway sa Brgy. Balubal, Sariaya, Quezon noong Huwebes ng madaling-araw, Hulyo 9.
Batay sa imbestigasyon ng Sariaya Police Station, pa-kaliwa na umano ang dump truck na minamaneho ng 37-anyos na si Herminio nang mabangga ito ng isang AB Liner bus na minamaneho ng 56-anyos na si Eugene habang umo-overtake sa mga sasakyang nasa unahan nito sa parehong direksiyon 4:20 ng madaling-araw.
Dahil sa lakas ng banggaan, kapwa tumilapon ang dalawang sasakyan patungo sa gild ng kalsada at sumalpok sa mga kalapit na establisimyento.
Nagtamo ng mga pinsala ang driver at ilang pasahero ng bus at agad silang isinugod sa ACE Medical Center sa Sariaya para sa agarang gamutan, habang patuloy pang bineberipika ng pulisya ang pagkakakilanlan ng iba pang nasugatan.
Kapwa nagtamo rin ng pinsala ang dump truck at bus, habang isinasailalim pa sa pagsusuri ang kabuuang halaga ng mga napinsalang ari-arian.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Share.